Friday, January 4, 2008

Ang unang puna

Babala: Kung wala kang kinalaman, hindi ka tatamaan.


Maraming nakapansin sa mga mambabasa ko nung isa ko pang blog sa friendster na kung magsulat daw ako e purong tagalog at bihirang gumamit ng ingles na salita. Maliban na lang siguro kung yung buong post ko e talagang sa ingles nakasulat. Tanong naman nung iba, bakit daw hindi ako sumubok na magsulat sa ingles tutal matino naman "daw" yung mga naisulat ko sa wikang ingles.

Katulad sa sagot ng idolo kong si Bob Ong, hangga't maaari e ayokong magmukhang may sinasabi ako kahit na wala naman talaga.

Hindi ko tinitira yung mga gumagamit ng wikang ingles sa pagsusulat ng blog. Meron lang kasi akong nakitang blog noon na puro sa ingles nakasulat (Nalimutan ko na kung anong site). Pinoy ang may akda at pinoy din ang mga mambabasa. Nabilib ako dahil medyo madami-dami ang mga nagbibigay ng comments. Karamihan doon puro papuri dahil daw "magaling" siya magsulat. Pero nung binasa ko na yung mismong mga post niya. Hindi ko maintindihan kung paano siya nakagawa ng fanbase sa mga sinusulat niya.

Hindi sa nanghahamak ako ng iba. May respeto ako sa bawat manunulat. Pero syempre meron din namang sukatan ang respetong iyon. Hindi ibig sabihin na kung nagsulat ka ng kung anomang gusto mong isulat at nakagawa ka ng isang buong talata e karespe-respeto na rin yung gawa mo. Depende pa rin yun kung ano yung laman ng mensaheng ibinigay mo.

E paano kung wala namang laman?

Ang problema sa ating mga Pilipino. Kapag nasa ingles ang mensahe e maganda na kaagad ito sa pandinig. Simbolo "daw" kasi ito ng katalinuhan. Pero kung sa Flipino mo ito sasabihin e wala kang "class" at hindi ka interesanteng pakinggan. Kayang-kaya tayong manipulahin ng lenggwahe. Kung kaya mong laruin ang mga salita sa ingles at pagmukhaing maganda ang sinasabi mo kahit wala namang katuturan, ang tingin sayo ng tao e "globally competent". Pero kahit gaano kaganda, kalalim, at katalinghaga ang paggamit mo ng wikang Filipino, ang tingin naman sayo "Corny".

Kahit na sabihin pa natin na "second language" ng Pilipinas ang wikang ingles, hindi pa rin natin masasabi na ganoon tayo kagaling sa paggamit nito. At kung mismong mga edukadong tao e hirap na makipag-usap ng deretsahang ingles, paano pa kaya yung mga hindi nakapag-aral?

Naisip ko tuloy, ganun na lang ba talaga tayo? Bobo na nga tayo sa dayuhang wika bobo pa rin ba tayo sa sarili natin?

Sana naman hinde.

1 comment:

dalisay said...

agring-agri ako. intelektwal ka, tinitingala ka kapag ang husay mo sa ingles at pautal-utal ka pa sa filipino. kapag nagfi-filipino ka, at ang engot mo sa ingles, bobo ka. nakakalungkot, masakit, pero ito ang realidad sa lipunang pilipino.