Friday, January 4, 2008

Ang unang puna

Babala: Kung wala kang kinalaman, hindi ka tatamaan.


Maraming nakapansin sa mga mambabasa ko nung isa ko pang blog sa friendster na kung magsulat daw ako e purong tagalog at bihirang gumamit ng ingles na salita. Maliban na lang siguro kung yung buong post ko e talagang sa ingles nakasulat. Tanong naman nung iba, bakit daw hindi ako sumubok na magsulat sa ingles tutal matino naman "daw" yung mga naisulat ko sa wikang ingles.

Katulad sa sagot ng idolo kong si Bob Ong, hangga't maaari e ayokong magmukhang may sinasabi ako kahit na wala naman talaga.

Hindi ko tinitira yung mga gumagamit ng wikang ingles sa pagsusulat ng blog. Meron lang kasi akong nakitang blog noon na puro sa ingles nakasulat (Nalimutan ko na kung anong site). Pinoy ang may akda at pinoy din ang mga mambabasa. Nabilib ako dahil medyo madami-dami ang mga nagbibigay ng comments. Karamihan doon puro papuri dahil daw "magaling" siya magsulat. Pero nung binasa ko na yung mismong mga post niya. Hindi ko maintindihan kung paano siya nakagawa ng fanbase sa mga sinusulat niya.

Hindi sa nanghahamak ako ng iba. May respeto ako sa bawat manunulat. Pero syempre meron din namang sukatan ang respetong iyon. Hindi ibig sabihin na kung nagsulat ka ng kung anomang gusto mong isulat at nakagawa ka ng isang buong talata e karespe-respeto na rin yung gawa mo. Depende pa rin yun kung ano yung laman ng mensaheng ibinigay mo.

E paano kung wala namang laman?

Ang problema sa ating mga Pilipino. Kapag nasa ingles ang mensahe e maganda na kaagad ito sa pandinig. Simbolo "daw" kasi ito ng katalinuhan. Pero kung sa Flipino mo ito sasabihin e wala kang "class" at hindi ka interesanteng pakinggan. Kayang-kaya tayong manipulahin ng lenggwahe. Kung kaya mong laruin ang mga salita sa ingles at pagmukhaing maganda ang sinasabi mo kahit wala namang katuturan, ang tingin sayo ng tao e "globally competent". Pero kahit gaano kaganda, kalalim, at katalinghaga ang paggamit mo ng wikang Filipino, ang tingin naman sayo "Corny".

Kahit na sabihin pa natin na "second language" ng Pilipinas ang wikang ingles, hindi pa rin natin masasabi na ganoon tayo kagaling sa paggamit nito. At kung mismong mga edukadong tao e hirap na makipag-usap ng deretsahang ingles, paano pa kaya yung mga hindi nakapag-aral?

Naisip ko tuloy, ganun na lang ba talaga tayo? Bobo na nga tayo sa dayuhang wika bobo pa rin ba tayo sa sarili natin?

Sana naman hinde.

Saturday, August 25, 2007

Dedikasyon

Una sa lahat, gusto kong magpasalamat kina Julius (July) Tan, Erika (Eri-Hime) Villanueva, Benedict (Dickie) Javier, Dominic (Doms) Pascual, Justin (Duta) Exito, at kay Fe (...Fe) Tacata.

Isa lang naman ako sa mga taga-hanga nila pagdating sa Blogging. Sila'y mga taong may angking kagalingan sa pagsusulat kahit na wala sa kanila ang aamin na mayroon sila nito.

Chronological order yang mga pangalan at hindi by rank ng kung anoman. Una kong sinubaybayan ang mga sinulat ni Julius noong 1st year college. At dahil inggitero ako, gumawa na rin ako ng blog ko sa friendster at doon ko na natagpuan ang mga link sa blog ng iba ko pang kaklase. Dito na ako ulit nahumaling sa pagsusulat.

Dati na akong nagpakita ng interes sa pagsusulat at aksidente lang ang lahat. Nagsimula iyon noong nagkaroon ng On-the-Spot Essay writing contest noong third year high school ako. Sumali ako kasama si Rafael (Sag) Sagles at Lorenzo (Enzo) Timbangcaya dahil trip lang namin. Dalawang klase pala ang award. Mayroong 1st, 2nd at 3rd prize para sa English Composition samantalang ako lang ang nakakuha ng Best Composition in Filipino. Hindi ko tuloy alam kung talagang ako yung pinakamagaling sa mga nagsulat ng tagalog o ako lang ang talaga ang nag-iisang gumawa ng tagalog na essay. (Hindi halatang nagyabang ako! Hahaha!!)

Pagkatapos nun, hinalungkat ko ang mga lumang gamit ko at nakita ko ang luma kong notebook na pinagsulatan ko ng mga tula kasama ang ilan sa mga gawa ni Jonas (Nat) Viola, dating aspiring writer na ngayon ay isa nang Malufett na Lead Guitarist para sa bandang "Eleylogic" (Hoy bayaran mo ako, may publicity dito ang banda niyo). Dati, ako ang mahilig tumugtog at siya naman ang mahilig magsulat. Nagkapalit ata kami ng landas.

Dahil sa temporary hype ko noon sa pagsusulat, nakagawa ako ng maraming tula at nailagay ko yun doon sa lumang notebook. Pero dahil sa mapanirang epekto na dulot sa akin ng depresyon, sinunog ko ang buong notebook na yon kasama ang mga tula ni Nat. Hindi nya alam yon, pero bumawi na lang ako sa pagsali sa grupo niya sa Special Operations Group noong 4th year HS. Nangako ako sa kanya na hindi ako susuko sa training kahit na gaano kahirap. At masayang kainan ang naganap pagkatapos ng matagumpay na pagkakamit ng Beret.

Nalimutan ko na ang pagsusulat simula noon. Pero bumalik din kahit papano simula nung nagbasa ako ng blog ng mga nabanggit sa itaas. Natutuwa ako tuwing may bagong entry ang kung sinoman sa blog niya. Makikita kasi sa mga sinulat nila ang bahagi ng pagkatao nila na hindi mo makikita sa pakikipag-usap. Pag nagbabasa ka kasi, mararamdaman mong ikaw ang kinakausap nung "nagsasalita", pero alam mo na hindi lang ikaw ang kausap niya. Sa ganoong paraan, mababawasan ang tendency na magbigay ng sarili nating mga opinyon at tututok tayo sa "pakikinig". Kapag naintindihan natin ang sinasabi nila, mas maiintindihan natin kung sino talaga sila.

Yan lang muna sa ngayon. Para may laman naman to kahit papano.

Saturday, July 14, 2007

Target locked!

First post sa bago kong blog. gusto ko munang i-test bago ako magkalat ng lagim. heheheh...